Palpak na propaganda ni Sara

ni Diego Morra

Kung sinuman ang nagbibigay-payo kay Sara Zimmerman Duterte Carpio ay nararapat nang umalma at pagsabihan ang kanilang alaga na lalong lumalabo ang kanyang tindig sa kasong impeachment sa Senado dahil sa kanyang mga binibitawan sa The Hague at maging sa bansa. Ayon nga sa mga bihasa sa batas, nakaririmarim ang mga pahayag ni Sara, lalo pa nang pagbintangan niya ang International Criminal Court (ICC) na tuta bi Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni dating Senador Antonio Trillanes IV.

Maaaring pinalakpakan siya sa pulutong ng mga Pilipinong nasa The Hague subalit parang sinampal niya ang 181 bansa na bagtataguyod ng hukumang ito na itinatag batay sa Rome Statute. Mabilisan din naming tinanggihan ng ICC ang paratang at sinabing ito as “fair” at kumikilos nang walang kinikilangan, at tanging Rome Statute at international law ang batayan ng mga proseso nito, mula sa paghahain ng mga asuntong “crime against humanity” hanggang sa pag-uusig at pagdinig ng mga hukom sa mga argumento ng umuusig at nagtatanggol.

Sapagkat hindi rin naman kilala na palabasa itong si Sara at maaaring buga lang nang buga na parang si Donald Trump na ang IQ ay 73, hindi nakapagtataka na [puro kapalpakan ang nanunutawi sa kanyang bibig. Gaya nang bigkasin niya na hihintayin ang paglabas ng kanyang ama mula sa kulungan sa loob ng isang linggo. Puspos ng pagtanggi na sinabi niya ito. Ganoon din ang nangyari nang sabihin niya na P5,000 lamang ang bayad sa “assassin” sa Davao City na maaari niyang kontrahin sakaling mangalunya ang kanyang asawa. Di pala asawa niya ang target kundi ang kalunya.

Subalit ang presyo sa pagpatay, batay sa mga nagsalitang miyembro ng Davao Death Squad (DDS) ay eksakto sa tinuran ni Sara. Ang hindi sinabi ni Sara ay maaari ring malibre ang pagpatay kung ang target at ang salarin ay magkaibigan. Ayon nga sa hitmen na Mehikano: “Since you are my friend, I will kill you for nothing.” Like father, like daughter. Kung ano ang bukambibig ng kanyang ama ay ganoon din si Sara. Upang lutasin ang batayang suliranin ng bayan, “tokhang” ang kailangan. Kung nahihirapang ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), Executive POrder No. 70 (EO 70) at Memorandum Circular No. 32 (MC 32) ang kailangan—operasyong lingid ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang malawakang kampanyang military ang solusyon.

Sa madaling-sabi, itong si Sara ay “xerox copy” ng ama, at walang orihinal na ideya. Bukod dito, matindi rin ang pangamba ng madla na sapagkat kaduda-duda ang kanyang sistema ng pag-iisip, hindi siya maaasahan na sumunod sa batas at tuparin ang kanyang tungkulin. Nakita na ng mga botante, kasama na yung 32-milyong digital voters niya, na hindi niya natupad ang kanyang trabaho bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), at 3% lamang ang nagawang mga gusaling pampaaralan noong 2023. Matindi rin niyang kaaway ang mga haligi ng mga silid-aralan dahil ayaw niya ng teaching aids na nakasabit. Nang siya ay lumisan sa DepEd, nabukong lalo ang palpak na computerization program, ang paglalagak ng malalaking budget sa opisinang pangrehiyon habang bokya ang kanyang nagawa.

Subalit sobrang tiwala sa sarili ang cockalarum na si Sara, at ang kanyang mga tagatulak ay di-magkandaugaga na ikalat ang panawagan na magdemite si Marcos Jr. at ipalit si Sara para raw bumaba ang presyo ng bigas, lusawin ang mataas na inflation rate at pababain ang singil sa koryente, tubig at gasoline. Ito ang mga panawagan hindi mangyayari sapagkat si Sara ay isang “daydream believer,”  nananaginip nang gising at duwag na harapin ang kanyang paglilitis sa Senado. Alam din ng mga mamamayan na sa kabila ng kanyang tapang-tapangan, nangininig sa tako si Sara na humarap sa Senado at sumumpa na ang lahat ng sasabihin niya ay katotohanan. Inamin na niya na sa kanyang pulitika, hindi kailangang maging tapat, makatotohanan at may sinseridad. Inamin din niya na ayaw niya na pinapalibutan ng madla. Paano ka magiging pinuno ng bansa kung takot ka sa mga tao?

Sa isang sumuri sa huling talumpati ni Sara sa The Hague, 45 ulit na nagsinungaling o nagsabi ng mali itong si Sara sa loob ng 30 sandali. Tunay talagang karibal niya si Trump na sa isang pangungusap ay anim na ulit na nagsisinungaling. At puro madugo ang kanyang kuwento. Kesyo lumala raw ang patayan simula nang mawala si Digong, na nahaharap sa pagpatay sa tinatayang 30,000 Pilipino sa ialalim ng kanyang kampanyang “tokhang.” Hanggang ngayon ay balita pa rin sa Davao City ang paglisan ng isang opisyal ng pulisya dahil sa ginawang target practice ang 7-taon gulang na bata na nagnakaw daw.

Ang Davao City ang “killing fields” sa Pilipinas at si Digong ang pasimuno nito, batay sa isang ulat noong 2009 ng Human Rights Watch (HRW) at iba pang grupo. Hinamon pa ni Duterte na dumalaw muli si Phelim Kine ng HRW sa Davao City upang malaman niya na ito ay paraiso. Sa The Hague, ay nag-imbento si Sara ng bagong lohika: Hindi raw niya kalaban si Marcos Jr. bilang tao subalit siya ay “weak leader” o mahinang pinuno, isang bagay na paulit-ulit na sinasabi ng mga Duterte, mula sa ama, sa anak at sa apo. Matinding jukebox ito sa panahon na hindi na uso ang jukebox. Gusto ba ninyo ng Pangulong Jukebox? Kung may kodigo na si Sara ay pinapalpak pa niya ang sinasabi, ano ang maaasahan sa kanya?#