ni Renato Reyes Jr, BAYAN president
Sa kabila ng ruling ng Supreme Court na nagdeklarang iligal ang labis-labis na pagpapalobo ng Unprogrammed Appropriations sa 2024 at 2025 national budget, ayaw pa rin itong ipatupad ng Palasyo at nakahanda pang maghain ng Motion for Reconsideration. Ang ibig sabihin, gusto nilang ituloy ang korap na modus sa budget at iiwas ang Pangulo sa anumang pananagutan para sa budget corruption sa 2024 at 2025 budget.
Malinaw ang sabi ng SC. Iligal ang ginawang pagpapalobo ng unprogrammed appropriations lagpas sa spending limit ng kabuuang budget na proposed ng Pangulo. Iligal ang walang pakundangang paglilipat ng mga proyekto mula sa regular budget tungo sa unprogrammed appropriations para lamang lumikha ng artificial fiscal space at makapagpasok ng dagdag na infrastructure projects sa regular budget.
Iligal din itong mga lump sum infrastructure items sa unprogrammed appropriations na pinagkunan ng pondo para sa mga korap na flood control projects. Umabot sa P449 billion ang dinagdag sa unprogrammed appropriations noong 2024, para lamang makalikha ng fiscal space sa regular budget para sa mga pork barrel infrastructure projects ng mga matataas na opisyal. Hindi pa nakontento, ‘yung unprogrammed appropriations ay ginamit din para sa korap na flood control projects; umabot nga sa P141 billion mula 2023–2024 ang flood control projects na pinondohan gamit ang unprogrammed appropriations.
Iligal din ang spending triggers sa mga special provisions ng UA, na kahit may ilang ahensya lang ang may “sumobrang kita” ay pwede nang pondohan ang mga probisyon ng unprogrammed appropriations — at tanging ang Pangulo lang ang magsasabi kung alin sa mga ito ang unang popondohan. Sabi ng SC, kailangang tingnan ang kabuuang makokolekta, hindi lang ng ilang mga ahensya, bago pahintulutan ang paggastos sa mga probisyon ng UA. Dahil kung hindi, lalo lang lalaki nang walang hangganan ang depisito ng gobyerno.
Malinaw na ang abuso sa unprogrammed appropriations. Pero sa kabila ng lahat ng ito, bakit ayaw itong ipatupad ng Malacañang at sa halip ay maghahain pa ng Motion for Reconsideration?
- Ayaw ng rehimeng Marcos Jr. managot sa iligal na paglulustay ng pondo ng bayan gamit ang UA. Mananagot kasi dito ang mga nagpasa at nagpatupad ng budget, kasama ang Pangulo. Ayon sa Administrative Code, siya dapat ang mag-approve ng releases ng pondo ng UA, hindi DBM. Siya ang ultimong responsable sa pag-approve ng releases para sa flood control projects na pinondohan ng UA.
- Ayaw ng rehimeng Marcos Jr. na matigil ang korap na modus nila sa budget para sa 2027 at 2028, kasama ang mga lump sum na probisyon sa UA at iba pang dagdag-bawas-lipat ng pondo para mabigyang-daan ang mga korap na infrastructure pork projects. Sabi nga ni Claire, “ginawa nitong inutil at hindi na magagamit ang mga mekansimong ito (UA) para sa programa ng pamahalaan”. Ayaw nilang magkaroon ng hangganan ang pagnanakaw at abuso sa budget.
Ang ipinasang bersyon ng budget ng House ay lalabas na iligal at hindi compliant sa SC ruling. Dapat itong ibalik sa Committee on Appropriations at dapat ipaliwanag nila sa taumbayan ang mga kinalikot nila sa budget.
Malinaw na ayaw ng rehimeng Marcos na matigil ang abuso sa budget at korapsyon sa gobyerno. Dapat itong mariing tutulan at labanan ng taumbayan. Sabi ng SC, operative fact doctrine na wala na tayong magagawa sa pondo na nagamit na mula sa 2024 at 2025 budget, pero pwede pang kasuhan ang mga promotor ng abuso sa budget. Pwede rin natin ipahinto ang abuso para sa panukalang 2027 budget. Dapat i-recall ang House version ng 2027 budget at dapat tumalima ang Senado sa SC ruling, kahit pa mahahahin ng MR ang Malacanang.
Bakit? Political decision, isang conscious choice, ang pagpapatupad ng SC ruling at isang political decision at conscious choice ang gagawin ng Malacañang na paghahain ng MR at hindi pagtalima dito. Kaya dito magkakaalaman: sino ang tunay na tutol sa korapsyon at sino ang mga nais magpatuloy ang abuso ng mga buwaya.
Wag nating hayaan na walang mananagot dito. Wag nating hayaan na patuloy na pagnanakawan ang kaban ng bayan.#
