Pax Silica tax holiday, tax breaks at pondo ng bayan para sa mga dayuhang kumpanya

ni Renato Reyes Jr., BAYAN President

Inisyal na suri sa panukalang batas para sa Pax Silica hub sa Capas, Tarlac

Inanunsyo ngayong araw ni Philippine Ambassador na si Babes Romualdez na layon ng gobyerno na isabatas ang Pax Silica.

Narito ang panukalang Pax Silica Bill na tinatawag na AN ACT ESTABLISHING THE ADVANCED INDUSTRIES ZONE IN NEW CLARK CITY, MUNICIPALITY OF CAPAS, PROVINCE OF TARLAC. Ito ang paraan para gawing “ligal” ang pagpapataw ng Pax Silica sa atin. Ang sponsor ng panukala ay ang NUP, na kilalang partido ni Enrique Razon na isang malaking negosyante, pinakamayaman at unang trilyonaryong Pilipino.

Ilan sa mga dapat suriin na mga probisyon ang mga sumusunod:

  1. Magtatayo ng Advanced Industries Development Authority na may fiscal, administrative, operational, at regulatory autonomy. Bubuuin ito ng mga presidential appointees, opisyal ng gobyerno at kinatawan ng negosyo habang may isang token na kinatawan ang labor. Ang AIDA, hindi na ang BCDA ang mangangasiwa sa Pax Silica hub sa Capas, Tarlac.
  2. May authorized capital na P50 billion ang AIDA, kasama na ang lupa na ililipat dito at ang P5 billion na magmumula sa National Treasury o kaban ng bayan. Bibigyan ng 7 taong Income Tax Holiday ang mga dayuhang korporasyon. Pagkatapos ng 7 taon, bibigyan naman ng dagdag na tax breaks ang mga kumpanya. Pipili sila sa pagitan ng pagbayad na lamang ng 5% Special Corporate Income Tax o kaya ay enhanced tax deductions. Tatagal ang tax holiday at tax breaks nang 20 taon. Maaari ding malibre sa customs duties at VAT ang pag-aangkat ng capital equipment, raw materials, supplies, spare parts, at iba pang kagamitang direktang kailangan sa proyekto. Habang naghihigpit ng sinturon ang ordinaryong Pilipino at nagbabayad ng buong buwis, tax holidays at tax exemptions ang ibibigay natin para sa mga dambuhalang dayuhang korporasyon.
  3. Enclave na mistulang gobyerno sa loob ng gobyerno ang Pax Silica industrial hub. Bagama’t sinasabing sakop pa rin ito ng batas ng Pilipinas, binibigyan ng HB 11758 ang AIDA ng napakalawak na kapangyarihan: sariling customs territory, kapangyarihang mag-isyu ng sariling building at environmental permits, magtakda ng singil sa kuryente at tubig, at magpaupa ng lupa hanggang 99 taon. Isa itong special enclave na nakadisenyo para sa supply chain ng Amerika at mga kaalyado nito—hindi para sa sariling pambansang industriyalisasyon ng Pilipinas.
  4. Nananatili ang banta sa mga magasasaka, katutubo, at likas-yaman. Bagama’t may nakasulat sa House Bill No. 11758 na “proteksyon” para sa mga IPs, papahirapan naman nito sa aktwal ang pagpapanatili ng kanilang lupang ninuno dahil nakatuon lamang ang malinaw na proteksyon sa mga may pormal nang titulo (CADT o CALT) at mga kinikilala nang karapatan. Nanganganib ang mga lupaing nasa proseso pa lamang ng aplikasyon. Sa karanasan, tumatagal ang mga aplikasyon na ito. Ang AIDA ay may kapangyarihang magpaupa ng lupa hanggang 99 taon sa mga malalaking kumpanya at Master Developers, at magpatupad ng mabilisang pagproseso ng mga permit—isang sitwasyong naglalagay sa mga katutubong komunidad sa matinding disbentahe sa harap ng dambuhalang dayuhang kapital at malalaking proyekto.
  5. “Technology Transfer” lang sa papel, pero walang katiyakan ito. May probisyon ang panukala para sa Technology Transfer at Workforce Localization, pero malinaw rin sa batas na sasailalim ito sa mahigpit na intellectual property rights at export control laws ng mga dayuhan. Sa madaling salita: mananatiling taga-assemble at taga-supply ng murang lakas-paggawa ang Pilipino, habang ang core technology, patents, at dambuhalang kita ay nananatili sa kamay ng mga dayuhang korporasyon.
  6. Sino ang makikinabang sa Pax Silica at Advanced Industries Zone? Hindi ang karaniwang manggagawa o magsasaka, o mga katutubo at mamamayang Pilipino. Ang tiyak na panalo rito ay ang mga dayuhang tech industries, ang malalaking lokal na komprador at Master Developers, at ang mga nagmamay-ari ng lupa at negosyo sa paligid ng New Clark City.

Patuloy nating suriin ang panukalang batas na ito at maghanda sa panibagong yugto ng laban. Ipalaganap at ipabatid ang panukalang batas ng Pax Silica at hikayatin ang lahat na sama-samang suriin ito.  #NoToPaxSilica