ni Renato Reyes Jr., BAYAN President
Sa National Expenditure Program pa lamang ay kinakarga na ang mga pet projects o pork barrel allocations ng mga congressman, senador at iba pang mataas ng opisyal ng ehekutibo. Kaya nga kapag nilabas na ang NEP, nagkukumahog na yang mag-check kung naisama ba ang mga “priority” projects nila.
Kapag ang isang project ay nominated ng isang mambabatas o pulitiko, SOP na makakakuha ng 20% “commitment” o kickback ang nag-nominate na pulitiko, mula sa total project cost. Ito ang matagal nang sistema ng korapsyon. At ito ang dahilan bakit pilit nang pilit magpasok ng projects ang mga pulitiko at namumuno, kahit pa ibig sabihin nito ay bawasan ang budget ng social services. Antemano, masama ang pakahulugan ng pork barrel projects at insertions dahil may presumption ng corruption. Ito ang umiiral na sistema.
Kadalasan ay kulang-kulang ang mga projects na naipapasok. Kapag hindi naisama ang pet projects, dismayado ang mga mambabatas at maghahabol tiyak. Kaya sa budget deliberations ng Kamara, may tinatawag na “institutional amendments” para magmukhang yung institution, hindi individual congressman, ang nagpasok ng amyenda ng kanilang proyekto. Pero siyempre, alam natin na ito ay para sa interes ng indibidwal na mga mambabatas, kahit pa pinalabas na “institutional” ang amendment o insertion. Ang mga insertions ay inilalagay sa mga ahensya na magpapatupad ng proyekto. Kadalasan ay sa mga District Engineering Office ito ng DPWH at ang iba ay sa Department of Agriculture. Pag soft pork naman ay DoH, DSWD, DOLE at TESDA.
Ginagawa ang insertions o amendments sa NEP sa antas ng Budget Amendment Review Subcommittee or BARSc. Dapat may transparency ang pagpupulong, pero mauuna muna ang closed-door meeting para isaaayos ang script at pagkasunduan ang ano pwedeng ipasok at ano ang hindi. Kaya pag nag-livestream na, pansin nyo parang may script, walang objections. Tanggap lang nang tanggap kasi naluto na nila eh. Naareglo na.
Saka ito ngayon dadalhin sa plenaryo para pagbotohan ng buong Kamara. Dapat may ilalabas na report ang BARSc kung ano ang dinagdag at ano ang mga binawasang items ng budget (para makapagdagdag sa ibang items). Kaso nung tinanong ito ng Makabayan, walang maipakita ang BARSc. Bahala na ang taumbayan na hanapin ang dinagdag at binawasan dun sa substitute House General Appropriations Bill. (HGAB). Yung transparency ay isang kahungkagan lang. Palabas lang kumbaga. Basta heto ang substitute or amended na budget bill, pagbotohan na natin, at bahala na yung mga naghahabol na taumbayan kung mahanap nila ano ang dinagdagan at binawasan. Kalohokan di ba?
Pero ang di nila inaasahan ay makikita at makikita ang mga budget insertions kasi maipaghahambing ang HGAB sa naunang NEP at makikkita saang mga District Engineering Offices kinakarga ang mga dagdag na pondo para sa mga infrastructure projects. Matatagalan lang pero mahahanap pa rin eh. To be fair sa mga district congressman, posibleng hindi naman lahat ng pondo sa District Engineering Office ay maaarang nakatoka sa kanila. Ang ilan ay sa mga partylist congressman na wala namang defined districts pero may pork or infra projects. (Sabi nga ni Toby Tiangco, 3 partylist lang ang hindi nagre-request ng infrastructure projects, at yun ang 3 Makabayan PLs.)
Ngayong may SC ruling kaugnay ng 2024 and 2025 budgets, ginigiit ng Makabayan na ibalik sa Kamara ang naunang naipasang budget para sa 2027 para higit na makilatis ito at matanggal ang mga probisyon na hindi compliant sa SC ruling. Pero syempre ayaw ito ng pamunuan ng Kamara kasi mabubuking at pagtatalunan pa ang mga ipinasok nilang mga proyekto.
Sabi ng pamunuan at mga senador, sa Bicam na lang pagtalunan ang mga dapat ayusin sa budget. Pero kung may natutunan man tayo sa Bicameral Conference noong nakaraang taon, lalong lumaki ang budget para sa pork pagkatapos ng Bicam. May mga items pa na nilipat mula sa regular budget papunta sa Unprogrammed Appropriations, para lang makapagpasok ng pork barrel items.
Sa huli, masahol pa rin ang ipinasang 2026 budget kahit dumaan sa Bicam.
May kinalaman ba si Marcos Jr dito? Syempre naman. Walang galawan sa budget na hindi alam at inaayunan ng Palasyo. Bakit may proposed P4.37 bilyon na nakakarga sa DPWH District Engineering Office ng distrito ni Sandro Marcos? May pahintulot yun ng Palasyo eh.
Sa Disyembre, kapag pinirmahan ang budget, may pananagutan diyan ang Pangulo, mga secretary ng ahensya, at mga mambabatas na nagpasa ng budget. Pinkamalaki ang pananagutan ng Pangulo dahil patuloy niyang itinataguyod ang bulok na sistema ng burukrata kapitalismo kung saan ang budget ng bansa ay isang negsoyo para sa mga nasa poder. Walang duda, dapat silang panagutin.#
