‘Bubukol yan’

ni Renato Reyes Jr., BAYAN president

Nasa sentro ng usapan ngayon sa impeachment trial ang kakaibang operasyon ng Calle88, kumpanyang banana chip exporter na pag-aari ni Atty. Mans Carpio na asawa ni VP Sara Duterte. Ang Cale88 ay may panimulang puhunan na P125,000 lamang, na katumbas ng isang maliit na negosyo, pero sa takbo ng ilang taon ay humawak ng mga transaksyon na umabot sa P1.25 billion mula 2022-2025.

Kasama sa kahina-hinalang transaksyon ay ang ₱315.9 million mula sa mainland China at ₱3.39 million mula sa Hong Kong.

Walang deklaradong dividends ang kumpanya, o malaking capital expenditures at asset acquisitions. Sa madaling salita, mukhang ginagamit lang ang kumpanya para sa paggalaw ng pera. Money laundering red flag ito. Nagkakaroon din ito ng ugnayan sa isyu ng SALN ng VP. Sa SALN kasi ay kailangang ideklara ang assets and liabilities ng mag-asawang Mans Carpio at Sara Duterte.

Hindi talaga kapani-paniwala na daang milyon ang labas-pasok sa negosyong ito habang zero cash on hand at zero cash in bank ang nakalagay sa SALN ng VP.

Sabi ng Defense ay iba ang Calle88 bilang kumpanya at iba si Mans Carpio bilang indibidwal. Pero 47.5% ng kumpanya ay nakapangalan kay Carpio, bago siya biglang naglaho sa records ng kumpanya. Saan napunta ang daang milyong labas-pasok ng kumpanya? Posibleng hindi kay Carpio? Labo nun.

Kung may P1.25 bilyon na kabuuang transaksyon na labas-pasok sa Cale88, kasama na ang P319 million mula sa China at HK, at walang malinaw kung saan napupunta ang kita, walang ligal na record o deklaradong kita, may kailangang ipaliwanag ang mga may-ari ng kumpanya. Dahil hindi tumutugma ang laki ng perang gumagalaw sa dinedeklarang yaman at ari-arian ng mag-asawang Duterte-Carpio. At kung malinaw na maipapakita ang iligal na katangian ng mga perang pumasok, na conduit lang ang Cale88 para sa iligal na mga aktibidad, at nagagamit para sa iligal na pagpapayaman nina Duterte-Carpio, mas tumitibay ang batayan para sa conviction ng VP.

Sabi nga noon ni Jun Lozada, sa mga pondo sa ganyang sitwasyon, bubukol yan.

P.S.

Sana itong AMLC ang pagtuunan ng pansin ay mga malalaking pulitiko at mga suspicious na kumpanya, hinid mga NGO at aktibista na pinaparatangan ng kung ano-anong “terrorist financing” kuno. Yung big time money laundering operations andyan na sa harap niyo. Kung hindi pa siguro nagkaroon ng impeachment ay hindi ninyo papansinin.#