By Atty. Ma. Sol Taule | Karapatan
Kahapon sa labas ng MPD, nandun ang mga kaanak at magulang ng mga inaresto, walang kain at nabasa ng ulan. Labis labis ang pag-aalala. Halata mo na ang pagod sa kanila pero hindi umaalis. May dala silang pagkain pero ayaw papasukin. Nag-aantay sila na may lumabas man lang mula sa MPD para magpaabot sa kanila ng updates at mabawasan man lang ang pag-aalala nia pero wala.
Hinanap ko ang megaphone na dala ng Karapatan. Hindi na kaya ng puso ko ang mga eksena. Binulabog namin ang MPD para papasukin kami. Nilapag namin ang mikropono at inanyayahan ang mga magulang nag magsalita dahil sabi namin ay maririnig sila sa loob. Dinampot ng isang magulang ang mikropono at binanggit ang pangalan ng anak niya:
“Anak, kamusta ka diyan? Si papa ito. Andito ako. Kumakain ka ba diyan? Sinasaktan ka ba?”
Marami pang mga magulang ang hindi na nagdalawang isip na sumunod magsalita.
Sa wakas ay nakapasok na kami, first time ko makita ang karamihan ng hinuli kasama ang mga minors. Iba na ang amoy sa loob, parang mga hayop na nakasalampak sa sahig ang mga tao. Walang ligo, gutom, hindi pa nakakapagpalit ng damit. Walang sapin sa paa. Nanggigitata. Higit sa lahat, marami sa kanila ang may blackeye, putok ang ulo, at iba pang sugat.
Nasa 2nd floor ng MPD ginagawa ang inquest, isang piskal lang ang naka assign sa daan daang hinuli. May mga PAO sa Maynila na dumating at kaming taga NUPL na nag-aassist sa mga nahuli.
By batch pinapasok ang mga detainees. Nakita ko na may mga magulang na pakonti konting pinaaakyat. Maya-maya may isang detainee na pumasok na sa tantya ko ay with special needs. Nakita niya ang nanay niya at humagulhol nang napakalas. Ayaw bitawan ang nanay niya. Tumigil ang mundo ng lahat, nakatingin sa kanila. Awang awa ako.
Dumating ang iba pang detainees, pinagamit ko ang cellphone ko para makausap nila isa-isa ang mga kamag anak nila. Nag-iiyakan.
Ramdam ko pa rin ang tensyon sa loob pero pinili kong kausapin ang mga nahuli.
Ang isa, 28 years old, trabahador sa pabrika sa Valenzuela. Nag leave sa trabaho para sumama sa rally. Walang organisasyon.
Ganoon din ang isang barista ng isang coffeeshop na naki-log in sa Facebook ko para ma-message ang boss niya.
May mga inassist akong mga menor de edad (15-18 y/o), kita mo ang trauma sa kanila. Sabi nila na basta sila dinampot dahil nasa vicinity sila at nag-uusyoso. Tinanong ko kung sinaktan sila at sumagot sila ng “oo”, sabi nila na pinilit sila ng pulis na saktan ang kapwa nila bata. Kapag hindi nila ginawa ay tinatakot sila.
Galit na galit ako sa kwento ng mga bata. Pero ang inaalala pa nila, ilang araw na silang lumiban sa klase.
Si Alvin na tinagurian “kwekkwek boy”, may mental health conditon. Kinausap ako at sabi niya, Attorney, wala po akong kasalanan. Kung meron man po, sumama ako sa rally kahit hindi ako invited. Nangiti ako ng konti, sabi ko, “hindi kasalanan iyon.”
Sa ngayon patuloy pa ring nakakulong ang lahat ng inaresto kasama ang mga minors. Ayaw ibigay sa magulang at iginigiit ang mga proseso sa mga batang CICL o children in conflict with law.
Sobrang brutality ang ginawa ng mga pulis sa mga tao lalo sa mga bata. Galit na galit pa rin ako pag gising ko. Nag-aalala ako para sa lahat ng nakakulong at sa trauma na binigay nila sa mga bata.