By Renato Reyes Jr., BAYAN President
Ang naganap ngayong araw na pagpapalit ng liderato sa Kamara ay bahagi ng tumitinding hidwaan sa loob ng naghaharing paksyon ni Marcos, Jr bunga ng pagsiklab ng mga protesta kaugnay ng korapsyon.
Damage control ito ni Marcos upang bigyan ng kredibilidad ang kanyang “kampanya kontra korapsyon” habang pinapahigpit naman niya ang kontrol sa Kongreso at sa budget ng gobyerno.
Si Romualdez ay kumaharap ng matinding pagbatikos at protesta dahil sa lumobong congressional insertions at unprogrammed funds sa panahon na siya ang Speaker.
Ang mga insertions na ito ay kumakatawan sa mga proyektong ipinasok ng mga mambabatas sa pambansang budget na ang iba ay nauwi naman sa mga ghost projects. Kaya hayun, kailangang ilalaglag ni Marcos ang pinsan niyang si Romualdez.
Huhupa ba ang mga protesta dahil dito? Hindi.
Galit ang tao sa nagaganap na nakawan sa gobyerno.
Buong bulok na sistema ngayon ang nasasakdal.
Kaya sinuman ang umupong Speaker, hindi nito malulutas ang usapin ng korapsyon dahil itinataguyod pa rin ni Marcos Jr ang mga iskema para sa korapsyon – pork barrel allocations, congressional insertions at unprogrammed appropriations.
Sabi nga kamakailan ni Marcos, hindi naman problema ang laki ng mga congressional insertions kundi ang paraan ng implementasyon ng mga proyekto.
Hindi ba niya kinikilala ang realidad na hangga’t ang mga mambabatas ay pwedeng magpapasok ng proyekto sa national budget, hangga’t mismong Malacanang ang nagtataguyod ng kalakarang ito, hindi mapapawi ang korapsyon sa mga pondong pang imprastruktura?
Galit na ang tao sa bulok na sistema ng korapsyon na nananatili mula pa panahon ng diktadurang US-Marcos noon hanggang sa rehimeng US-Marcos ngayon.
Walang damage control o pakitang-taong reporma ang sasapat dahil napakalalim ng problema. Buong sistema nga.
Panagutin si Marcos, mga kasapakat nya, at ang mga nagnakaw sa bayan kasama na ang mga Duterte. Pero huwag huminto doon. Baguhin na ang bulok at korap na sistema.
Hangga’t ang mga parehong uri pa rin ang nakaluklok, hangga’t parehong mga pamilya at dinastiya ang may hawak sa poder, at walang boses at poder ang taumbayan, hindi maglalaho ang korapsyon.