Matapos ang Nobyembre 30, Papasaan na Tayo sa Labang Ito?

ni Renato Reyes Jr. | Presidente, Bagong Alyansang Makabayan

Ang naganap na pagkilos sa buong bansa noong Nobyembre 30 ay patunay na hindi tumitigil ang panawagan para sa pagpapanagot sa malawakang pagnanakaw sa kabang bayan. Magkakaiba man ang pinagdausan ay may pagkakaisa sa minimum na panawagan para sa accountability ng mga sangkot sa korapsyon. Samantala, patuloy na nalalantad ang kainutilan ng imbestigasyon ng rehimen gayundin ang pagkakasangkot mismo ng Malacanang sa sistematikong pandarambong sa pondong publiko. Nasa pintuan na ng Palasyo ang mga alegasyon at hindi na ito matatakasan ni Marcos Jr at mga kasapakat niya.

Ilan lang sa mga mahahalagang pangyayari matapos ang Nobyembre 30 ang mga sumusunod:

  1. Pagbagsak ng approval rating ni Marcos Jr sa 21% ayon sa survey ng WRN. Sa kabila ng lahat ng mga buladas, retorika at pagpapanggap na kontra korapsyon, sa kabila ng mga sinasabing imbestigasyon at mga banta ng pagpapakulong, malaki ang ibinaba ng approval rating ng pangulo. Ito ay dahil nabatid na ng taumbayan na sangkot mismo ang pangulo at mga malalapit sa kanya sa anomalya sa mga proyektong imprastruktura. Kasabay nito ang kulang na kulang ang ginagawang imbestigasyon na tila may pagtatakip pa sa mga alyado ng pangulo.
  2. Ang pagbibitiw ni ICI Commissioner at dating DPWH secretary Rogelio Singson na tinignan na isa na namang dagok sa kredibilidad ng komisyon na dapat ay nag-iimbestiga sa lahat ng sangkot sa korapsyon. Walang kwenta din ang livestreaming ng ICI dahil kahit sino ay maaaring humingi ng executive session.
  3. Ang pagbibitiw sa pwesto ng ika-limang opisyal ni Marcos na pinangalanan ni Zaldy Co sa kanyang mga videos. Sa loob ng wala pang isang buwan, nagbitiw sa pwesto sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Budget secretary Amenah Pangandaman, USec. Adrian Bersamin, USec. Trygve Olaivar at ang pinakahuli, si DoJ USec Jojo Cadiz na pinangalanan bilang bagman ni Marcos, dating Senate staff at ngayon ay nalantad na konektado sa isang contractor na ang incorporator ay kanyang 21 anyos na anak. Kung walang bigat ang mga paratang ni Co ayon sa Malacanang, bakit lahat ng napangalanan niya ay nagbitiw na ngayon?
  4. Ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa isang special provision ng 2024 GAA na nagpapahintulot ng paglipat ng “excess funds” ng mga GOCC tulad ng Philhealth at PDIC para pondohan ang unprogrammed appropriations noong 2024, kasama ang mga maanomalyang flood control projects. Muling nalantaed ang pang-aabuso ng rehimen sa proseso ng budget lalo na sa pagpondo ng mga unprogrammed appropriations na porma ng presidential pork at balon ng korapsyon.
  5. Ang namumuong banggaan ng Kamara at Senado sa budget bicameral conference, lalo na sa usapin ng mga alokasyon ng mga mambabatas para sa mga proyektong imprastruktura, na ngayon ay tinatawag na “allocables”. Tulad ng mga nagdaang bicam, ang inaasahang awayan ay kaugnay ng hatian ng mga mambabatas at ehekutibo sa pondo para sa imprustruktra, na sa esensya ay usapin ng pondo para sa korapsyon. Kapag hindi sila nagkasundo sa hatian at mauwi tayo sa reenacted, panibagong krisis sa pulitika ito at labis na mapapahiya na naman ang pangulo. Syempre ang magdurusa sa re-enacted budget ay tayong taumbayan.

Nagsisikap si Marcos na kunin ang inisyatiba sa pagsusulong ng laban kontra korapsyon sa pamamagitan ng madalas na pag-aanunsyo ng mga pagsasampa ng kaso, paglabas ng mga arrest warrants at iba pang aksyon ng gobyerno – mga bagay na karaniwang mas mababang opisyal ang gumagawa. Kailangan niyang personal na ipakita ngayon na may nangyayari nga sa imbestigasyon. Pero ang lahat nang ito ay hindi makakasapat dahil patuloy na umiiwas ang pangulo sa korapsyon na kinasasangkutan nya at mga alipores nya.

Isang palantadaan ng paglala ng krisis sa pulitika ay si Marcos mismo ang pumupusturang gawing prayoridad ng Kongreso ang pagpapasa ng anti-dynasty law, pagreporma sa partylist law at iba pang hakbangin para sa transparency at accountability. Matagal nang nakahain ang mga ito, pero kinailangan ng matinding krisis bago gumalaw si Marcos. Kapag hindi naipasa, lalong magmumukhang “lame duck” si Marcos at lalong malalantad na palabas lang ang ginagawang anti-corruption drive ng rehimen. Anupaman, kahit may ganitong legislative measures, hindi pa rin dapat makaiwas sa pananagutan si Marcos sa mga malalalang kaso ng korapsyon at sa pagpirma nya sa 2026 budget na nakalaan na naman sa korapsyon.

Sa malapit na hinaharap, magpapatuloy ang kilusan kontra korapsyon na mapanagot ang mga kurakot hanggang sa tuktok, ugatin sa bulok na sistema ang sanhi ng korapsyon, at mapanagot ang pinakamatataas na opisyal ng bansa. Habang lumalawak ang kilusan kontra korapsyon ay nabubuksan ang usapan sa mga kagyat na alternatiba kina Marcos at Duterte, kung paano magkakaroon ng mas makabuluhang boses ang taumbayan sa gobyerno, at kung ano ang pangsistemang alternatibo sa bulok na kaayusang umiiral ngayon. Kunin natin ang pagkakataong ito upang higit na maglinaw kung bakit ganito na ang sinapit ng ating bansa at kung bakit ang sustenido at sama-samang pagkilos lang ng taumbayan ang daan para sa tunay na pagbabago at hustisya.

Bantayan natin ang budget bicameral conference ngayong Disyembre at ang pagpirma ni Marcos Jr sa corrupt na GAA. Ilabas nila ang lahat ng dokumento kaugnay ng budget, kasama ang House at Senate versions, mga naging amendments, mga proponents ng amendments, at ang mismong bicam report bago ito pagbotohan sa Kongreso at pirmahan ni Marcos. Igiit kay Marcos na i-veto ang lahat ng porma ng pork barrel allocations o “allocables”, confidential and intelligence funds at ang buong unprogrammed appropriations.

Sa pagpasok ng taon, ipaglaban natin ang mga makabuluhang panukalang batas, sa loob ng Kongreso at sa parliament of the streets. Ipaglaban natin na tanggalin ang mga pahirap na buwis sa harap ng garapalang pagnanakaw sa atin. Mahigit P634 billion ang nakolektang VAT mula sa atin noong 2024, pero ninanakaw lang pala ito. Ipaglaban natin ang mandato na gawing libre ang serbisyong pangkalusugan, dahil kaya naman talaga kung hindi tayo pinagnanakawan. Mas mainam na sistema ito kaysa nakaasa lang sa Philhealth na palagiang bulnerable sa galawan sa budget.

Panibagong yugto ng krisis ang haharapin natin sa darating na taon. Ang impeachment ay malalagay muli sa sentro ng pulitika. Marami pang walang kalinawan o hindi tiyak. Pero ang natitiyak natin, tanging sa pursugido at sama-samang pagkilos lang natin malalagpas ang paparating na mga unos. ###