📷: Kabataan Partylist | FB
ni Renato Reyes Jr. | President, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)
Ano ang ipinakita ng protesta noong Oktubre 17?
- Walang paghupa sa galit ng taumbayan sa kurapsyon, sa kawalang pananagutan, sa nagpapatuloy na katiwalian sa budget at sa kainutilan at kabulukan ng sistema. Hindi huhupa ang protesta hangga’t walang nananagot at hindi nakakamit ang pagbabagong kinakailangan.
- Ang protesta ay dinadala sa rehimeng Marcos mismo. Sinupalpal ang pahayag ni Marcos kahapon na hindi aabot sa Malacanang ang kurapsyon. Ngayong araw, sinisingil mismo si Marcos para sa kurapsyon, para sa pork barrel sa budget, at para sa mabagal at selective na paghabol sa mga tiwali. Hindi uubra na hindi singilin si Marcos sa mga nagaganap ngayon sa bansa. Supalpal din ang nagsasabing huwag singilin si Marcos dahil makikinabang si Sara Duterte. Sa protesta ngayon, si Marcos at si Duterte ay parehong itinatakwil.
- Kasama sa panawagan ang pagbabago ng bulok na sistema. May inaabot na kamulatan sa malawak na masa na ang problema ng kurapsyon ay hindi isolated na pangyayari kundi resulta ng isang bulok na sistemang matagal nang pinahihirapan ang sambayanang Pilipino. Hindi nakasasapat kung gayon ang pangibabaw na pagbabago lamang.
- May momentum ang mga protesta matapos ang Setyembre 21, at makikita sa susunod na linggo, sa Oktubre 21 ang panibagong agos ng pakikibaka. Mahalaga ang mga pagkilos na ito ngayong Oktubre upang dumaluyong ang mas malaking pagkilos sa darating na Nobyembre 30. Hindi na kumakagat ang mga paandar ng rehimeng Marcos tungkol sa mga SALN, livestreaming ng BiCam, budget transparency kuno, independent commission diumano at kung ano-ano pang palabas. Ang galit ay umaapaw sa lansangan. Hindi na mapipigilan. #