Progressive groups, activists honor the iconic Superstar

📷: Courtesy of Alliance of Concerned Teachers – National | FB

Progressive organizations and activists have turned to social media to honor the legendary Superstar and National Artist, Nora Aunor, recognizing her steadfast commitment to their causes and the profound impact she has made on their lives.

Alliance of Concerned Teachers (ACT)

Maraming salamat National Artist Ms. Nora Aunor sa pagtindig mo kasama ng mga guro para ipaglaban ang kagalingan ng sektor ng edukasyon.

Nakikiramay ang Alliance of Concerned Teachers sa naiwang pamilya. 🕊️

Rest in Power ✊

Teddy Casino, former Bayan Muna Rep. and Koalisyong Makabayan senatorial candidate

Pumanaw na ang Superstar—ngunit mananatiling buhay ang kanyang diwa sa puso ng sambayanang Pilipino, lalo na sa mga pelikulang may saysay, paninindigan, at panawagan para sa hustisya at pagbabago.

Ilan sa mga pelikula niya ay natatangi para sa akin dahil sa kanyang pagganap, tulad ng:

🎬 Himala (1982) – Si Elsa, ang dalagang nagdala ng pag-asa sa gitna ng disyerto ng kahirapan.

🎬 Andrea, Paano Ba ang Maging Isang Ina? (1990) – Si Andrea na tumakas sa militarisasyon sa mga huling araw ng pagdadalang-tao.

🎬 Bona (1980) – Si Bona, ang tagahanga na isinakripisyo ang sarili sa ngalan ng pag-ibig.

🎬 Tatlong Taong Walang Diyos (1976) – Si Rosario, gurong nahulog sa gitna ng digmaan at moral na kalituhan.

🎬 Minsa’y Isang Gamu-Gamo (1976) – Si Corazon, OFW na biktima ng neokolonyalismo habang nangangarap ng mas magandang kinabukasan.

🎬 Bakit May Kahapon Pa? (1996) – Si Helen, nakaligtas sa masaker, patuloy na naghahanap ng hustisya.

🎬 The Flor Contemplacion Story (1995) – Si Flor, OFW na isinalang sa bitay sa kabila ng mga tanong sa katarungan.

🎬 Thy Womb (2012) – Si Shaleha, Badjao midwife na hinaharap ang sariling kakulangan nang may dignidad at pananampalataya.

Hindi lang siya ginawaran ng mga parangal dahil sa husay niya bilang aktres, kundi dahil sa mga kuwentong pinili niyang isalamin: mga kuwento ng maraming Pilipino na lubog sa hirap, pero umaapaw sa pananampalataya, at pakikibaka.

Iisa lang ang Nora Aunor. Bagaman namaalam na siya kagabi, hangad ko na mas marami pang mga artista at manlilikha ang magpatuloy ng kanyang pamana—ang sining na hindi lamang para sa aliw, kundi para sa bayan.

Mataas na pagpupugay, Ate Guy. Maraming salamat sa iyong kontribusyon sa sining at Pelikulang Pilipino.

Carlos Isagani Zarate, Bayan Muna Partylist 2nd nominee

Bilang isang Noranian, katulad ng marami pang yang tagahangq,  naglukuksa tayo sa pagpanaw kagabi ng nagiisang SUPERSTAR!  Pinagpupugayan natin si Ate Guy sa kanyang pagbahagi sa atin ng kanyang buhay at sa naging malaking ambag niya sa ating sining at kultura, at, sa kanyang pakikilahok sa mga adbokasiya at kilusan para  pagbabago sa ating lipunan! Mabuhay ka Bb. Nora Aunor!

Gabriela Women’s Party

Pumanaw na ang Superstar—ngunit mananatiling buhay ang kanyang diwa sa puso ng sambayanang Pilipino.

Si Nora Aunor ay hindi lamang isang alamat ng sining, kundi isang tinig ng mga kababaihang inaapi, ng mga nangangarap, at ng mga lumalaban.

Sa kanyang makapangyarihang pagganap sa mga pelikulang tulad ng Himala, Bona, Tatlong Taong Walang Diyos, Minsa’y Isang Gamu-Gamo, The Flor Contemplacion Story, Thy Womb, at marami pa, ipininta niya ang mga kuwento ng kababaihan, ng mahihirap, at paglaban nito sa karahasan at kawalang-katarungan.

Hindi lang niya kinatawan ang pag-asa, kundi pati ang paghihirap at pakikibaka ng nakararami.

Mataas na pagpupugay, Ate Guy.

Mabuhay ang alaala, ang tapang, at ang sining mo—para sa bayan. 🕊️

Migrante International

Ang Migrante International at ang kanyang mga chapter sa buong mundo ay nagbibigay pugay sa paglisan ni Nora Aunor. Sa mahabang panahon, siya ay matapang na nakiisa sa adbokasiya ng Migrante para sa karapatan at kagalingan ng mga OFWs.

Maraming OFW ang humanga at naantig sa kanya sa pagganap bilang Flor Contemplacion sa pelikulang “The Flor Contemplacion Story” ni Direk Joel Lamangan. Sa unang pagkakataon ay nailagay ang kwento ng mga OFW sa pambansang antas. Maraming pag kakataon na kasama namin si Nora sa mga pagkilos para manawagan ng hustisya sa mga biktima ng pagsasamantala at paglaban sa matinding korapsyon. Sa kalagitnaan ng maiinit na usapin ng Pork Barrel at nagkataong araw din ng paggunita sa ika-20th death anniversary ni Flor Contemplacion, ginulat niya ang lahat nuong manawagan siya ng pagpapatalsik kay Noynoy Aquino. EDSA 2 walang takot siyang nagsalita at ibinunyag kung paano siya inabuso ni Ex President Estrada at nagtulak sa kanya na makiisa sa panawagan sa pagpapatalsik kay Erap.

Si Nora Aunor ay hindi lang Super Star, siya ay isang Artista ng Bayan na handang tumindig para ipagtanggol ang mga inaapi, handang lumahok sa mga pagkilos ng mamamayan.

Ang kanyang paglisan ay malaking kabawasan hindi lamang sa industiya ng pelikula , kundi pati na rin sa laban ng mamamayan.

Lumisan ka man, subalit ang sining ng iyong bituwin ay hindi kukupas, ang mga hakbang mo mula Liwasang Bonifaco patungong Mendiola ay lagi namin babalikan at sasariwain.

Taos pusong Pasasalamat, Paalam, at Pagpupugay! ✊🏽

France Castro, ACT Teachers Partylist Rep. and Koalisyong Makabayan senatorial candidate

REST IN POWER, ATE GUY ❤️‍🔥

Maraming alaala sa akin si Ate Guy, lalo iyong makasama siya sa laban ng guro at mamamayan para itaguyod ang kagalingan nila. Napatunayan ko ang kanyang pagpapakumbaba, pagiging tunay na artista ng mamamayan at dakilang pagmamahal sa bayan.

Dahil nga dito, noong 2014 ay isa ako sa nagparangal sa kanya, sa ngalan ng Alliance of Concerned Teachers bilang “Alagad ng Sining ng Mamamayan.”

Ginamit ni Ate Guy ang kanyang talento at boses para isatinig ang sambayanang naghahangad ng panlipunang pagbabago sa kanyang mga pelikula, paborito ko ang anti-dayuhang tema sa Minsang May Isang Gamo-gamo. Matindi rin ang epekto sa akin ng The Flor Contemplacion Story na naglalantad sa pagiging bulnerable ng ating mga OFW sa pagpapatuloy ng pangingibang-bayan.

Lampas sa sinehan, kaisa natin sya sa aktuwal na pagkilos para  ipanawagan ang dobleng budget sa edukasyon, lupa sa mga magsasaka hanggang sa  pagpapanagot sa mga tiwali at magnanakaw sa kaban ng bayan. Magkasama kami sa EDSA Dos at ilang pagkilos sa lansangan.

Minsang sinabi ni Ate Guy sa programa ng ACT na malapit sa puso niya ang mga guro at minsan niyang pinangarap maging guro. Kaya siguro hindi sya nagdadalawang-isip tumindig kasama namin. Ang pagtindig ng isang Ate Guy sa matagal na naming panawagan ng pagtaas sa sahod at benepisyo ng mga guro at kawani sa gobyerno ay isang napakalaking karangalan. Talagang superstar sa aming mga teachers si Ms. Nora Aunor! Maraming salamat at rest in power po. Pakikiramay sa kanyang naiwang pamilya.

Liza Maza, former Bayan Muna and Gabriela Women’s Party Rep. and Koalisyong Makabayan senatorial candidate

Paalam Nora Aunor, Superstar ng Masa

Personal kong nakilala si Ate Guy noong kasagsagan ng EDSA Dos. Pinili niya na ianunsyo ang kanyang panawagan na magresign si Erap sa isang presscon na ginanap sa Bayan office. Simula noon ay kasa-kasama na namin sya sa mga rali sa EDSA, walang takot na nanindigan para sa bayan at binatikos ang dati niyang malapit na kaibigan dahil sa korupsyon na ginawa nito at sa pang-aabuso  sa kapangyarihan. Sa mga malawak na protestang ito iniluwal ang EDSA Dos na tuluyang nagpatalsik kay Erap.

Nakasama rin namin siya sa Isang media forum para makiisa sa panawagan na ibasura na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Visiting Forces Agreement (VFA). Natuwa nga kami dahil hindi lang pala pang-showbiz ang tindig nya laban sa mga US bases sa bansa. Matatandaan na sa  kauna-unahang protest film laban sa US bases sa bansa na “Minsa’y Isang Gamu-Gamu,”  binigkas niya ang klasikong linyang, “My brother is not a pig!” bilang protesta sa pagpatay ng mga Amerikanong sundalo sa kanyang kapatid na napagkamaliang baboy ramo.  Sa totoong buhay ay  tumindig si Ate Guy laban sa mga base militar ng US sa Pilipinas.

Hindi lamang sa pelikula tungkol sa buhay ni Flor Contemplacion ipinakita ni Ate Guy ang kanyang tapat na suporta sa karapatan ng mga OFW. Sa mga protesta namin kasama ang Migrante at iba’t ibang grupo, kasama ang boses ni Ate Guy sa mga malakas na nanawagan ng hustisya para kay Mary Jane Veloso at sa pagpapanagot sa kapabayaan ng pamahalaan.

Wala na si Ate Guy, ngunit nandito pa rin ang mga sundalong Kano. Pinakamalaki sa kasaysayan ang Balikatan military exercises na gagawin sa mga susunod na linggo. Wala na si Ate Guy, pero tuloy pa rin ang mapait na kwento ng mga OFW gaya ni Mary Jane Veloso na patuloy na nakakulong sa kasalanang hindi nila ginawa. Pinapaalala ng mga ito kung gaano naging makabuluhan ang karera ni Ate Guy bilang haligi ng pelikulang Pilipino at artista ng bayan. Karapat-dapat talagang kilalanin na Pambansang Alagad ng Sining!

Pero hindi lamang sa likod ng kamera ipinakita ni Ate Guy ang kanyang kabuluhan sa mga pakikibaka ng mamamayan

Mahal ni Ate Guy ang masa dahil naranasan niya ang mamuhay sa gitna ng malubhang kahirapan.

Ate Guy, tanyag sa bansag na “Showbiz Superstar”— ngunit para sa masa, walang tutumbas na marangyang parangal o titulo sa showbiz sa kanyang makabuluhang papel sa ating mga laban at pakikibaka. ‘Yan ang best role na kanyang ginampanan para sa sambayanang Pilipino.

Rest in power, Ate Guy. Superstar ng masa! (ZIA LUNA)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *