Tatlong Pananaw sa Sumasambulat na Krisis sa Pulitika Ngayon

ni Renato Reyes Jr. | Pangulo, Bagong Alyansang Makabayan

 

Sa ngayon ay may lumalabas na 3 pangunahing pananaw sa sumasambulat na krisis na kinasasangkutan ni Marcos at ng buong korap na sistema.

  1. Korap si Marcos pero pagtiyagaan na muna natin siya dahil ayaw natin kay Sara Duterte na korap din. Maghintay na lang ng 2028 para lutasin ang problema. Pangamba din nila ang Duterte-led military junta at katulad na pormula.
  2. Korap si Marcos, ipalit si Sara, o ang linya ng mga DDS.
  3. Korap si Marcos at Duterte, dapat maalis pareho (sa iba’t ibang paraan) at magkaroon na kaayusan (constitutional succession or succession with transition council) na may boses ang taumbayan, may mga reporma at saka magpapatawag ng eleksyon.

Mapapansin na tila may consensus na korap si Marcos at mukhang wala namang titindig sa mga grupong kontra korapsyon na magsasabi nang taliwas. (Meron ba?) Nagkakaiba ngayon sa paano susulong (o hindi susulong) mula sa ganitong pagkilala na korap nga si Marcos.

Sa #1 ay may pagkilala na sangkot si Marcos sa korapsyon pero tila mas matimbang ang takot na maging Presidente si Sara Duterte. Kaya’t sa iba ay pagtitiyagaan na lang muna si Marcos hanggang 2028 o kaya ay ituon na lang kay Duterte ang batikos habang sumasambulat na ang pagkakasangkot ni Marcos. Ang ibang nakakausap namin ay may tolerance pa kay Marcos kahit korap dahil di pa nila makita ang alternatibo. Pero kailangang mabatid din nila na hindi nila kontrolado kung ano pa ang sasambulat na isyu laban kay Marcos at magiging mahirap na (untenable) na hindi ito harapin at batikusin kapag sumambulat. At ang hindi nila pagbatikos kay Marcos sa harap ng mga alegasyon ng korapsyon ay tiyak na sasamantalahin ng kampo ng mga Duterte na magsasabing sila ang dapat ipalit. Kukunin ng mga Duterte o ibang entidad tulad ng mga militarista ang political initiative sa pagbatikos kay Marcos at gagamitin ito para sa kanilang mga maitim na balakin. May iba naman na nagsasabing korap si Marcos, dapat panagutin, pero huwag manawagan ng pagbibitiw sa pwesto dahil nga andyan si Sara. Pero hanggang kailan kaya mananatili ang pusisyong ito kung ibayong nalalantad na si Marcos? Maghihintay pa rin sila ng 2028?

Sa #2 naman, malinaw na tanging interes lang ng mga Duterte ang makikinabang. Maaaring gumamit sila ng iba-ibang kaparaanan upang mailuklok si Duterte at tiyak na gagamitin nila ang isyu ng korapsyon ni Marcos para pagtakpan din ang sariling korapsyon nila. Walang kapakinabangan dito ang masa. Ang korap na Marcos dynasty ay papalitan lang ng korap na Duterte dynasty.

Sa #3 naman ay, sa iba’t ibang antas, tanggap na korap pareho sina Marcos at Duterte at maaaring pareho silang maalis sa iba’t ibang paraan at magkaroon ng post-Marcos-Duterte outcome na may boses ang taumbayan at may repormang ipapatupad bago mag eleksyon. Ang iba, sinasabi na unahin muna si Sara saka isunod si Marcos. Ang iba naman ay sinasabi na dapat pareho sila, sabay dapat. Kung sino at ano ang papalit, may iba’t ibang mungkahi. Common na tindig na dapat may representasyon ang mamamayan, panagutin ang korap, ipagbawal ang mga dinastiya, at magdaos ng eleksyon. Masyadong maaga pa para pagkaisahan sino ang papatakbuhin na mga kandidato, pero maaaring pagkaisahan na ang maaaring common program o platform. Kumbaga, unahin ang “ano ang ipapalit” o programa bago ang “sino ang ipapalit” (kandidato).

Pinakamainam na ang mga nasa #1 ay kinalaunan makatawid sa #3 upang masagkaan ang #2. Iyan ang isang dapat pagsikapan mabuo nang sa gayon ay may maaaring umiral ang sitwasyon na may boses ang taumbayan at makakapagtulak ng mga reporma.

Ang positibo ngayon ay nagsisimula na ang iba’t ibang diskusyon na nagsasabing hindi lang Marcos o Duterte ang maaaring pagpilian at may mas mataas na aspirasyon ang mamamayan, ang pagbabago di lang ng mga nakaupo kundi ng buong bulok na sistema. Pero ang lahat ng ito ay magiging academic discussion lamang kung hindi lalakas at susulong ang kilusang masa na siyang tanging paraan para makamit ang pagbabago at mabigyang buhay ang mga alternatibo. ###